hindi ko man po ginusto pero madalas akong magtaxi. Pano, kadalasan may dala akong gitara. Kung hindi naman, badminton bag. Kung hindi naman, malaking laruan para sa pamangkin ko. O kaya’y malaking bag kase maga-out of town kami ng mga kaibigan ko. o kaya’y tinatamad lang talaga ako magcommute.
Shempre bago sumakay, tinitignan ko muna kong ok ang hitsura ni manong driver. Kung masmukha akong sanggano kesa sa kanya (na madalas mangyari), pinapara ko na sha. alam ko mejo delikado, pero ayoko magmaneho ng sariling sasakyan eh. Bukod sa traffic, po-problemahin ko pa ang parking. Chaka taga-mandaluyong po ako. Lahat ng puntahan kong karatig lungsod ay humigit kumulang na isang daan lang ang pasahe. pwede na kung tutuusin. Solo ko ang sasakyan. Solo ko ang upuan. Solo ko ang aircon. At solo ko ang mga kwento ni manong.
seryoso, may mga taxi drivers na nakakatuwang kausap o obserbahan. Kahit man lang sa ganung paraan ay may makausap o makasalamuha akong ordinaryong tao. hindi ko kailangang mag-isip at makipag-debate, pero pagbaba ng taxi ay mapapangiti ako sa mga pinag-usapan. Nakakatanggal ng stress.
Minsan, pumara ako ng taxi. “manong, sa 20th ave po ako, sa cubao.” Hindi ko sinasadyang may kasama pang accent ang 20th ko. “tweny-yeth” ba. Pagkasakay ko sabi sa akin ni manong, “miss, hindi ba hanggang twenty lang yun? Wala atang twenty-eight dun. Saan ka ba?” Ako’y napangiti. Sabi ko nga. “opo, manong. Sa twenty ave.” sa susunod, alam ko na. alam niyo na rin. Twenty ave ha?
Isang gabi pauwi ako galing katipunan. ang daan ko ay yung sa pasikot-sikot sa green meadows na ang labas ay ortigas. Mga sisenta anyos na din ata si manong driver. Sa pasikot-sikot na yun, nag-right signal sha. Tapos hindi na niya maaalalang tanggalin yun pagkaliko namin. Kahit dumederecho na kami. Kahit pa-kaliwa pa kami. Wala shang kamuwang muwang sa tunog ng “tikitik”. E ako naman si sira-ulo, naaaliw sa kanya kaya pinapanood ko lang sha. Kase bukod sa naka-right signal kame buong oras na yun, saksakan pa ng bagal ang takbo namin. Alamo niyo kung bakit? Si lolo driver ay nagtetext. Ka-text ata si lola. Mabagal din ata ang exchange of texts and sweet nothings nila. Pagkalabas ng edsa, dun ko na sha kinausap. “manong, nasa edsa napo tayo. Kung maaari po ay tanggalin na natin yun right signal natin at mamaya na po kayo magtext.” Sabay ngiti sa kanya. Pinatay niya yun signal, tapos ngumiti nalang din sha sa akin.
Yung isang manong driver naman dati, akala ko iiyak sa pagkwento sa akin. Seaman daw sha dati. Nung tinanong ko sha kung bakit hindi nalang niya ipagpatuloy yun pagsi-seaman, sabi niya kailangan daw niyang bantayan ang mga anak niya dito sa manila kaya nagmaneho na lang ng taxi. Nung na- on shore daw kase sha apat na taon ang nakalipas, nanlalake daw ang misis niya. Pinagpalit daw sha sa “demonyong pari”. Sabi ko “manong, malupit talaga ang buhay. Ang importante hinaharap natin ito araw-araw.” Ang masmalupit pala dun ay yun yung paring nagkasal sa kanila. Sabi ko na lang, “Manong, pagkakitaan niyo nalang yang storya niyo. Sumulat ka sa Maala-ala Mo Kaya.”
Minsan naman tinanong ako ni manong driver “kailan ka ikakasal? Yung anak ko kaseng babae ikakasal na. Panget daw yun lalaki, pero may bahay na.” Eh di natawa ako. Ako ba daw ay papayag sa ganun? Sabi ko hindi ko masasabe. Biglang sabi niya, “eh kung may bahay at kamukha ni tom cruise?” sumagot ako, “eh pucha naman manong! Go na go na yun! Bukas na bukas pakakasalan ko yun!” biglang hirit ba naman si manong driver “kahit kasing liit ni dagul?!!” sabay tawa. Hay. Pagtripan ba ang pasahero?!
Pero shempre hindi lahat ng manong drivers mababait at kwela. At hindi din sa lahat ng panahon nasa mood ako makipag-usap. Sa mga ganung panahon, nakatingin lang ako sa bintana, nag-iisip. O nagtetext. O nakikinig sa discman ko. pero sa ngayon, madilim sa labas ng bintana, wala akong maisip, wala akong matext at hindi ko dala ang discman ko. masungit ang manong driver ng nasakyan kong taxi. Kaya sa kahabaan ng edsa, imbes na mabagot, sinulat ko na lang ito.